Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa magkasunod na pagpatay sa mga alkalde ng Tanauan City, Batangas at General Tinio, Nueva Ecija.

Sa text message na ipinadala Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga mamamahayag nitong Martes ng gabi, sinabi nito na inatasan niya ang NBI na siyasatin ang nangyaring paglikida kina Tanauan City Mayor Antonio Halili at General Tinio Mayor Ferdinand Bote.

"I have now given direct orders to the NBI to investigate two murders in a row, of Mayor [Antonio] Halili of Tanauan City and of Mayor Ferdinand Bote of General Tinio, Nueva Ecija who was reportedly ambushed this afternoon," sabi ni Guevarra.

Si Halili ay binaril habang dumadalo sa flag raising ceremony sa Tanauan City Hall nitong Lunes ng umaga. Habang tinambangan naman sa Cabanatuan City nitong Martes ng hapon si Bote.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing si Bote ang ikasiyam na alkalde na nasawi sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Gayunman, wala umano si Bote, miyembro ng partido ng administrasyon na PDP-Laban, sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga lokal na opisyal na umano'y sangkot sa iligal na droga.

Ang Commission on Human Rights (CHR), nabahala na sa sunod-sunod na karahasan sa bansa. 

Sa pamamagitan ni Jacqueline De Guia, tagapagsalita ng CHR, nanawagan ang ahensiya sa pamahalaan na kumilos para mapangalagaan ang buhay ng bawat Filipino.

"More so that, aside from local officials, priests, media workers, and common Filipinos have been subjects of violence, often leading to their deaths," ayon sa CHR.

"At this point, the demand to deliver swift justice by making perpetrators accountable rings louder than before, as the cycle of violence and culture of impunity continues to worsen," dagdag nito sa pahayag. — FRJ, GMA News