Natagpuan ang isang bata na pinaniniwalaang dalawang taong gulang sa loob ng isang sasakyan sa isang parking lot sa Pasig City.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, walang tigil sa pag-iyak ang bata nang matagpuan siya ni Jasper Pascual na nag-upload ng bidyo.
Kwento ni Pascual, pauwi na sana siya nang marinig ang umiiyak na bata.
Nagulat daw siya nang makitang walang kasama ang bata sa loob ng SUV.
Nakapatay ang makina ng sasakyan kaya patay rin ang aircon nito at may kaunting siwang lang daw na iniwan sa bintana.
Babasagin na raw niya sana ang salamin ng bintana pero naisip niyang tumawag na lang ng guwardiya.
Ayon kay Pascual, natuklasan nilang nakikipag-inuman lang sa kalapit na establisyimento ang mga magulang ng bata na tila ay galit pa nang sila ay tawagin.
Unang dumating ang ina ng bata at sumunod ang ama makalipas ang halos sampung minuto.
Ayon sa ulat, ipinaubaya na lang ni Pascual sa guwardiya ang pangyayari upang makaiwas siya sa gulo.
Samantala, sa ulat naman ni Saleema Refran sa 24Oras, nabanggit ni Pascual na nakumento umano ang nanay ng bata sa kanyang post at sinabi nito umano na kumakain lang siya.
Ngunit matapos tuligsain daw ng mga netizen, inalis daw ng nanay ang kumento nito. Sinubukan naman ng 24Oras na kunin ang reaksiyon ng nanay ngunit hindi raw ito tumugon sa mensaheng ipinarating sa kanya.
Lubhang mapanganib na makulong o maiwan ang mga bata sa loob ng mga sasakyan dahil minsan ay ikinamamatay nila ito.
Dehydration at suffocation ang ikinamatay ng mga biktima, ayon sa mga awtoridad.
Lumitaw sa imbestigasyon na suffocation din ang ikinamatay ng bata. — Maia Tria/RSJ, GMA News
