Patay ang riding-in-tandem na nambasag umano ng kotse ng isang TNVS driver matapos na manlaban daw sa mga awtoridad sa Quezon City.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Brgy. Old Balara pasado hatinggabi, habang naghihintay ng pasahero ang Grab driver sa Capitol Hills.

"Akala ko talaga iihi lang siya kasi madilim 'yung area. Hindi niya yata napansin na may tao sa loob. Tapos nagulat na lang ako nu'ng biglang kumalabog na 'yung sa likod nu'ng sasakyan ko. Tapo sinigawan ko sila, 'yun kumaripas na sila ng takbo," sabi ng driver.

Tiyempo namang kumakain sa malapit na convenience store ang isang pulis na rumesponde sa kaguluhan.

"Nu'ng nagpakilala po ako na pulis 'yung isa po 'yung nasa likod 'yung bumaba, 'yun po ang bumaril sakin," sabi ni PO2 Rino Agader.

Nagawa pa ring makatakas ang dalawa ngunit nahabol sila at binaril ng mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa lugar.

Dalawang baril na kalibre .38, limang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nakuha umano sa mga suspek na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Sinabi ni C/Supt. Joselito Esquivel, District Director ng QCPD, na ilang insidente na ng basag kotse ang nangyari sa Quezon City, kung saan nakahuli sila kamakailan ng anim na suspek, na kinabibilangan ng dalawang babae.

"May kaniya-kaniya silang MO [modus operandi]. 'Yung iba may kasamang babae akala mo lang na tatayo-tayo sa may kotse mo, parang nagme-makeup o nagsusuklay, pero actually vine-verify 'yung sasakyan mo kung meron kang naiwan," sabi ni Esquivel.

Nagpaalala ang mga pulis na huwag magpa-park sa madilim na lugar.

Iwasan ding mag-iwan ng mga gamit sa sasakyan, tulad ng mga wallet, cellphone at laptop.

Siguraduhin ding naka-lock ang kotse at palagyan rin ito ng alarm.

Kamakailan, nabiktima ng basag-kotse ang aktres na si Patricia Javier. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News