Patay ang isang negosyante matapos siyang pagbabarilin ng isang guwardiya sa Binondo, Maynila matapos ang mainit na pagtatalo. Ang ugat umano ng krimen, away sa parking space.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, kinilala ang nasawing negosyante na si Albert So. Patakas na nang maaresto naman ang guwardiya na si Jobel Baet.
Sa kuha ng CCTV sa tapat ng isang condominium building sa Binondo, makikita na tila nagtatalo sina So at Baet.
Ilang beses na nilapitan ng negosyante ang guwardiya at may isang babae na pumapagitna sa kanila.
Hindi nagtagal, bumunot ng baril si Baet at sunod-sunod na pinaputukan si So.
Kaagad na tumakas si Baet matapos ang pamamaril habang duguan naman bumagsak si So at bawian ng buhay kinalaunan.
Naaresto ng mga pulis at ilang residente si Baet habang tumatakas at naghubad na umano ng damit.
Inoobserbahan naman sa ospital ang nadamay na guwardiyang si Vivian Ilagan, at ang tatlo pa na tinamaan ng bala, kabilang ang isang bata.
Nabawi mula kay Baet ang gamit niyang baril at magazine na wala nang bala.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ni Baet, na ilang beses siyang nilalait umano ng biktima kapag sinisita niya sa pagparada ng motorsiklo hanggang sa mapuno na siya.
"Lagi niya akong minumura doon kasi sa tuwing pinapalipat ang motor niya maam, lagi niya ako inaaway minumura ako," paliwanag niya.
Dagdag niya, "Dinuduro niya [ko], paulit-ulit niya akong minumura, sinusuntok ako. Sabi niya duwag ka kung matapang ka, bunutin mo baril mo iputok mo."
Sinabi rin ni Baet na plano talaga niyang sumuko sa pulisya at humingi siya ng paumanhin sa kaniyang nagawa.-- FRJ, GMA News
