Arestado ang isang tulak umano ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Bernardo Street Barangay Pinagkaisahan, Quezon City kagabi.

Nakilala ang suspek na si Norberto Melencio alias Mamang, 68 taong gulang.

Nakabili ang operatiba ng SDEU sa suspek ng P300 halaga ng shabu.

Nakuha pa sa itim na pouch ng suspek ang tatlong sachet ng umano’y shabu na may street value na P1,500.

Ayon kay Police Inspector Ceferino Gatchalian Jr., ang hepe ng SDEU, bagaman pinasusuko ng barangay sa Oplan Tokhang ang suspek ay hindi nito ginawa.

“Yung mga parokyano niya rito ay yung mga jeepney driver, at saka yung ibang mga kabataan yung mga estudyante na nalulong sa illegal drugs,” ani Gatchalian.

Nakulong na rin daw noon ang suspek dahil sa paggamit ng illegal na droga.

Umamin ang suspek na anim na buwan na siyang nagbebenta ng shabu.

“Pangangailangan lang. Tawid gutom ganun. Kasi wala akong trabaho matanda na ako hindi ko na kayang magtrabaho,” ani Melencio.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — BAP, GMA News