Inaresto ng mga awtoridad ang pitong drug suspek sa ikinasang buy-bust operation sa isang drug den umano sa Quezon City nitong Martes ng gabi, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles ni James Agustin.

Nakabili ang isang operatiba ng P200 halaga ng shabu sa umano'y tulak na si Delia Mata.

Matapos ang transaksyon, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay na ginagawa umanong drug den sa Barangay Payatas B.

Aminado si Mata na pinapupwestohan niya ang bahay sa halagang P10 kada tao.

Pandagdag daw niya ito sa kinikita niya, at pambili ng bigas.

"Pupunta lang 'yung mga ano diyan. May dala na sila. Pero hindi kami nagbebenta," ani Mata.

Naabutan pang gumagamit ng shabu ang anim na suspek. Apat sa kanila ay garbage collector na umaming bumabatak.

Nakuha sa mga suspek ang 17 sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

 

 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA News