Tatlong lalaki ang naaresto sa Valenzuela City matapos humingi ng tulong sa mga awtoridad ang isang lalaking pinagbebentahan nila ng kotse na lumitaw na carnap. Nagduda umano ang lalaki dahil sa mababang presyo ng sasakyan at 'di masabi sa kaniya ang plaka ng sasakyan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Edmon Lanante, Mark Anthony Cruz at si Mark Anthony Copiaco, na nasugatan matapos tamaan ng bala sa tuhod nang manlaban umano sa mga awtoridad.
Lumitaw sa imbestigasyo ng pulisya na July 27 nang tangayin ng mga suspek ang 2012 Altis ni Erwin Santos mula sa isang subdibisyon sa Biñan, Laguna.
Nakuha umano ng mga suspek ang sasakyan nang masungkit nila mula sa bintana ng bahay ng biktima ang susi ng kotse. Nakunan sa CCTV ng subdivision ang pag-alis ng sasakyan.
Nitong Lunes, narekober ang sasakyan sa Valenzuela nang tinangka itong ibenta ng mga suspek sa isang ahente sa halagang P50,000 lang.
"May nag-text lang po sa akin na may binebenta nga po. Nagtataka po ako bakit ang mura lang po. Sa halagang P50,000 daw po, eh 'yung sasakyan po 2012 na Altis daw po. 'Yung plate number pinapa-text ko para ma-verify ko sa LTO (Land Transportation Office), hindi naman po nila sa akin tine-text," kuwento ng ahente.
Kasunod nito, nagsumbong na ang ahente sa mga awtoridad kaya isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek."Nung makita nila na may kasamang iba itong ahente, kaya nag-panic sila. Tapos ito ngang isa, itong ulo nila, alam din ang ginawa niya pinutukan agad ang ating operatiba," sabi ni Police Chief Inspector Rhoderick Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Valenzuela police.
Sabi ni Juan, "pasa-bilis" ang modus ng grupo na kaagad madispatsa ang kanilang ninakaw kahit sa mababang presyo.Nakuha sa loob ng sasakyan ang dalawang nakaw na plaka na hinihinalang ipapalit ng mga suspek sa kinarnap na kotse.
Mariin namang itinanggi nina Lanante at Cruz na sangkot sila sa carnapping. Giit nila, inaya lang sila para magbingo."Inaya lang din po kami ng gabing 'yun sabi magbibingo lang po siya eh. Hindi po namin alam na may ka-deal siya, 'yung sasakyan doon na lang din po namin nakita," sabi ni Lanante.
"Sumama kami, magkakapera kami pag nanalo," dagdag ni Cruz.Nagbabala naman ang pulisya sa publiko na ingatan ang kanilang mga sasakyan at lagyan ng security features tulad ng alarma o GPS.-- FRJ, GMA News
