Arestado ang mag-ama pagkatapos makasa ang isang buy bust operation sa Dasmariñas, Cavite, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Sinisisi ni Paks Boncarao ang kanyang anak na si Anisah dahil nadamay daw siya sa umano'y ilegal na gawain ng kanyang anak.
"Pati ako nadamay ninyo. Hindi ako nagtitinda. Araw-araw na pinagsasabihan ko kayo, hindi kayo nakikinig," sabi ni Boncarao.
Sinabihan ni Anisah ang mga opsiyal na walang kinalaman ang kanyang ama.
"Huwag ninyo pong idamay, sir, 'yung Tatay ko. Hindi po naggaganyan 'yung Tatay ko. Sir, promise, sir," sabi ni Anisah.
Naaresto rin ang dalawang menor de edad na kinse at disisiyete anyos.
Nakuha sa mga naaresto ang mahigit 400 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng mahigit P4 million at marked money na mahigit P4,000.
Walang inirekomendang piyansa sa mga kasong isinampa laban sa kanila. — BAP/KG, GMA News
