Labis ang hinagpis ng mga magulang ng limang bata na nasawi sa isang sunog sa Tondo, Maynila nitong Lunes.

Ayon sa mga naulilang magulang na sina Michael at Emily Gemeniano, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mailigtas ang mga anak mula sa sunog.

"Papasok na sana ko Ma'am... may humila sa akin... mga anak ko pala nasa banyo pa kung pinayagan lang nila ako, Ma'am buhay pa mga anak ko," sabi ni Emily sa ulat ni Susan Enriquez sa 24 Oras.

Ayon sa ama ng mga bata, hindi niya alam kung papaano isasalba ang mga anak na nasa loob pala ng banyo dahil malaki na raw ang apoy noon.

"Narinig ko pa mga bata nagsisigaw sa may CR eh. Wala na rin di ko malaman san ako dadaan, puro apoy na rin po. Puro usok," sabi ni Michael.

Kuwento ni Emily, bumili lamang siya ng pagkain nilang mag-anak subalit nang makabalik na siya, nakita niyang nilalamon na ng apoy ang kanilang tahanan.

"Iniwan ko lang po sila, Ma'am... bibili ng pagkain. Pagbalik ko nag-aapoy na po 'yung pinto. Binubuksan ko po, hindi ko mabuksan, Kahit anong tulak po," sabi ni Emily.

Wala rin sa kanilang bahay si Michael dahil ipinagawa niya ang kaniyang nasirang motor: "Ipapagawa ko po 'yung motor ko po kasi sira, nawala ko 'yung susian."

Nakaligtas sa sunog ang isa nilang anak matapos nitong tumalon sa bintana samantalang ang isa naman ay wala sa bahay nang mangyari sa insidente dahil nakitulog ito sa kaniyang tiyahin.

Hindi alam ng mag-asawa kung papaano haharapin ang dagok sa kanilang buhay.

"Hindi ko alam paano kami makakalusot sa problema namin. Paano namin matatanggap 'yun?" sabi ni Emily.

"Masakit po sa akin 'yun lalo na wala pa silang kaanuhan, masakit po sa amin..." dagdag ni Michael.

Problema rin ng mag-asawa ang gagastusin para sa burol ng mga anak na nakalagak na ngayon sa Sanctuary Funeral Homes sa Sta. Cruz.

Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula raw ang sunog matapos paglaruan ng isang bata ang isang lighter.

Sa kabuuan, 40 tahanan ang natupok ng apoy at 100 pamilya naman ang naapektuhan nito.

Umabot na sa mahigit 3,200 ang insidente ng sunog sa Metro Manila mula Enero hanggang Agosto 2018.

May 35 katao na ang namatay samantalang 178 naman ang nasugatan. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News