Nabundol na, pilit pang tinakasan ang isang babae at batang nadale ng kotse sa P. Burgos Street sa Maynila nitong Martes, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Hanggang sa pagdala sa kanya sa Manila Police District Traffic Enforcement Unit, tumatanggi pa rin si Cidric Leiba na siya ang nakabundol sa dalawang biktima.
Ayon kay PO1 Victor Victor, nakita si Leiba ng tricycle driver na nagdala sa bata sa ospital sa may Escolta ilang oras matapos mabundol ang dalawa.
Nakilala raw ng tricycle driver ang mukha ni Leiba at ang kotse nito, na nawalan ng side mirror at may malaking tama at tuyong dugo sa hood.
Nang ihambing ng tricycle driver ang nahanap niyang side mirror sa pinangyarihan ng insidente, tumugma ito sa nawawala sa kotse.
Tumangging magbigay ng pahayag si Leiba, ngunit giit nito na ibang driver ng kumpanya na kanyang pinapasukan ang may sala.
Nakapangalan sa kumpanya niya ang kotseng nakabundol sa mga biktima.
Sabi ng kaanak ng dalawa, bigla raw sumulpot ang sasakyan noong patawid sila.
Ikinuwento naman ng saksi na si Armando Raquiza na akala nila walang paparating ng kotse nang sumunod sila sa kanilang mga kaanak.
"Huminto, nung pinuntahan po ng kasamahan namin dito, yung barker, biglang humarurot ulit, buti nakailag siya," ani Raquiza. —Rie Takumi/KBK, GMA News
