Desidido ang pamilya ni Kapuso star na si Klea Pineda na magsampa ng reklamo laban sa driver na nakabangga sa sasakyan ng aktres. Ang driver, wala umanong naipakitang lisensiya at sinigawa pa si Klea.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni Klea na first time niyang nasangkot sa aksidente at hindi niya alam ang gagawin.
"Yung kotse ko umangat na ganun nawala na sa puwesto. Hindi ko alam gagawin ko, first time ko po kasi. Mangiyak- ngiyak na po ako," saad ng aktres.
Sinabing nangyari ang aksidente nitong Miyerkoles ng gabi sa Mindanao Avanue sa Quezon City.
Pero sa halip daw na humingi ng dispensa si Manansala, pinagsisigawan pa raw nito ang aktres na dahilan para matakot dahil nag-iisa lang siya.
Mabuti na lang umano at napadaan sa lugar ang kaibigan ng ama ni Klea kaya nasaklolohan ang aktres.
"Tiyempo nakita ko si Klea na sini sigawan nung nakabangga sa kaniya. Plano kasi nung lalaki picturan na lang yung nangyari tapos aalis na siya. Sabi ko hindi puwede, dapat maimbistigahan siya," ayon kay Robert Ramos.
Pero pagdating umano sa tanggapan ng Traffic Sector 6, lalo raw nagmatigas at nakipagtalo ang driver ng SUV.
Ayon kay Police Officer 2 Francisco Gonzales III, investigator on case, TC6, si Mansala talaga ang bumangga sa aktres.
"Puwede niya [Manansala] na kaharapin yung meron kasi tayong tinatawag na driving under the influence of liquor, puwede niya kaharapin yun. At wala rin siyang lisensya at napatunayan natin na talagang wala siyang lisensya. Wala siyang maipakita ID lang pinakita niya sa atin," sabi ni Gonzales.
Tumangging magbigay ng pahayag si Manansala bagamat sinabi ng misis niya na handa silang makipag-areglo sa kampo ni Klea. -- FRJ, GMA News
