Isang kinse-anyos na estudyante ang tinangka raw pagsamantalahan ng lalaking nag-alok sa kanya na gawing artista ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Kuwento ng biktima, nagkasundo sila ng kaniyang mga kaklase na magkita-kita sa isang mall sa Pasay City para gumawa ng school project.
Isang babae at isang lalaking nagpakilalang talent manager ang nag-alok daw sa kanya para maging artista.
"May lumapit po sa amin na isang babae, isang lalaki, niyayaya po kaming mag-artista. Tapos sinabi po nila sa amin na kumain na muna daw po kami," anang biktima.
Habang kumakain sila kasama ng mga suspek, bigla na lang umanong isinama ng lalaki ang dalagita at isinakay ng taxi.
Pumunta sila sa isang computer shop at tsaka sumakay ng bus papuntang Cubao.
Sa bus daw nangyari ang panghahalik ng lalaki sa dalagitang biktima.
Matapos nito, sumakay uli sila ng taxi papunta naman sa isang subdivision sa Antipolo City.
Dito nagtanong ang suspek sa biktima kung payag siyang mag-check in at uminom ng alak.
Ngunit sa labis na pagtatanggi ng biktima sa mga gusto ng suspek, pinakasakay na lamang siya ulit nito ng taxi pauwi.
Ayon sa biktima, nahikayat lamang siya sumama sa lalaki dahil sa kagustuhan na maging artista.
"Sabi niya po papasikatin niya daw po talaga kami tapos sabi niya gaganda daw talaga 'yung buhay ko, tapos iaalis niya po daw kami sa, 'yung bahay po namin bibili raw po kami ng bahay tapos sasakyan," anang dalagita.
Nag-iyakan naman ang mga magkakaklase nang muli silang magkita-kita ng nabiktima nilang kaklase.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang lalaking suspek samantalang nasa kustodiya na ng Pasay Police ang kasamahan niyang babae na itinuturing na person of interest.
Nagbabala ang pulisya sa publiko sa ganitong klaseng modus. —Jamil Santos/KBK, GMA News
