Nadakip sa Quezon City ang suspek sa pananaksak sa magkasintahang ikakasal na sana nang makipagkita ito sa ka-chat na patibong lang ng mga pulis.  Pag-amin ng suspek, may nag-utos sa kanila para gawin ang krimen na ikinamatay ng isa sa mga biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang aktuwal na pag-aresto ng mga pulis sa suspek na si Uldarico Ignacio, Jr. alyas Jay-R.

Si Ignacio at isa niyang kasama ang itinuturong sumaksak sa fruit stall owner na si Richard Pantua at fiancée nito na si Isabel Garcia nitong Marso sa Mandaluyong.

Nasawi si Pantuan, habang nakaligtas naman si Garcia.

"Papakasal na sana kami next year eh tapos bumuo na kami ng mga pangarap. Tagal naming magkasama. Ten years," sabi ni Garcia. "Kaya masakit, sobra, para na rin akong namatay."

Ayon sa imbestigasyon, binayaran daw ang dalawang suspek para patayin ang magkasintahan dahil umano sa away sa puwesto ng prutas. 

Dahil menor de edad pa lamang noon ang dalawang suspek nang gawin ang krimen, ibinigay ang kostudiya nila sa DSWD Youth Offender Center. Subalit nakatakas si Ignacio hanggang sa maaresto nang kumagat sa pain ng mga pulis na kunwaring ka-chat.

Sa bisa ng isang search warrant, nadakip siya ng mga operatiba ng Detection and Special Operations Unit ng PNP-CIDG nitong Martes.

Ayon kay Ignacio, inutusan sila na patayin ang mga biktima at pinangakuan na bibigyan ng pera. Gayunman, wala raw siyang natanggap na pera sa nag-utos sa kanila.

"Wala naman po akong magagawa eh. Napag-utusan lang po ako. Napilitan lang po. May pera daw pong kapalit at wala naman po akong nakuhang pera do'n," sabi niya.

Humingi ng tawad ang suspek at sinabing ituturo niya ang nag-utos sa kanila na gawin ang krimen.

"Naghihingi po ako ng patawad sa kanya, at kung gusto niya pong malaman ang buong katotohanan, sana po mapatawad niya po ako at ituturo ko nalang po 'yung kung sino ho talaga 'yung nag-utos na 'yon," sabi ni Ignacio.

Sinabi naman ni Garcia na wala na siyang nararamdamang galit sa suspek pero dapat nitong panagutan ang ginawang krimen.

"Siyempre kailangan niyang pagbabayaran 'yung ginawa niya sa amin, pati 'yung nag-utos, gusto kong malaman," sabi ng biktima.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News