Isang lalaki na umano'y nakainom at heartbroken ang patay matapos masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNP) nitong Martes ng umaga sa Makati City, ayon sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali.

Kinilala ng kasamahang si Joan Santos ang biktima na si Daniel, isang scavenger na tubong Samar. Aniya, nag-inuman sila nitong madaling araw dahil hiniwalayan daw si Daniel ng kasintahan niya.

"Siguro di niya natanggap na hiwalay sila. Sabi ko kung ayaw ng babae huwag mo nang pilitin," ani Santos.

Nang maghiwalay na sila, inakala raw nila na pupunta na si Daniel sa kanyang tinutulugan sa ilalim ng Skyway flyover. Nagulat na lang daw sila nang mabalitaan nilang nasagasaan ito ng tren.

Ayon naman sa isa pang kasamang si Leon Balanon, may clearing operation ang mga pulis at barangay official kaya nagmamadali ang biktima na kunin ang kanyang mga gamit. Hindi alam ni Leon kung bakit hindi narinig ni Daniel ang busina ng tren.

"Tinago niya yung mga gamit niya doon sa damuhan," ani Leon. "Natataranta siya."

Samantala, nagsagawa naman ng operation ang mga taga-PNR para balaan ang mga nakatira malapit o katabi ng riles na delikado ang kanilang lokasyon.

Wala pang pahayag ang PNR hinggil sa aksidente. —KBK, GMA News