Pinaghahanap ng mga pulis ang isang babae matapos siyang ireklamo ng pisikal na pananakit sa dalawang bata sa Maynila.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes,  nakuhan ng video ang suspek na si Christine Joyce Ubaldo na binitbit ang isang apat na taong gulang na babae mula sa paglalaro sa pamamagitan ng pagsakal sa bata.

Napaiyak na lamang ang bata sa kaniyang dinanas.

Tinangka namang iligtas ang bata ng kaniyang limang-taong-gulang na kalaro na sinampal pa ng suspek.

Hindi kaagad sumuko ang batang sumaklolo at tinuya ang suspek bago tumakbo. Pero hinabol siya ng suspek at inabutan nang madapa.

Hinatak ng suspek ang kamay ng bata, pinilipit, at may ibinato pa.

Sa panayam ng GMA News sa mga magulang ng bata, napag-alamang noong Mayo pa nangyari ang pananakit sa mga paslit.

Nagpasya na ang magulang ng mga bata na sampahan ng dalawang kaso ng child abuse ang suspek. Naglabas na rin ng warrant of arrest ang korte laban kay Ubaldo noong Hulyo.

Ayon sa mga magulang ng mga bata, madalas gawin ng suspek ang pananakit lalo na umano kapag nakainom.

Tumangging humarap sa camera ang ina ng suspek pero itinanggi nito na nagtatago ang kanyang anak.

Iginiit ng ina ng suspek na umuwi lang si Ubaldo sa probinsiya at handa raw ito magbayad ng piyansa.-- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News