Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon si Labor Undersecretary Joel Maglunsod, na dating miyembro ng militanteng grupong manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU).

Sa ulat ni Tuesday Niu sa "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkules, sinabing ginawa umano ni Duterte ang anunsiyo sa pagsibak kay Maglunsod sa talumpati nito sa harap ng mga rebel returnee sa Catarman, Northern Samar nitong Martes.

Sa naturang talumpati, binanggit umano ni Duterte na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa ang mga isinasagawang labor strike.

“Joel Maglunsod pinaalis ko. Pinagbigyan ko sila noong bago ako,” anang pangulo.

“Eh ‘yung mga ideology niyo. Pero in the long run, gusto nila pati sila magdala ng gobyerno. Makipag-away ka sa akin, makipag-barilan ka tapos ngayon sabihin mo kasama tayo sa gobyerno, itong mga powers na ‘to. Kalokohan ‘yan,” dagdag ni Duterte.

Nakatalaga si Maglunsod bilang Undersecretary for Labor Relations ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kabilang siya sa apat na opisyal na inindorso ng "makakaliwang" grupo na itinalaga ni Duterte sa puwesto nang maging presidente ito noong June 2016.

Bukod kay Manlunsod, ang iba pang "makakaliwa" na nakakuha ng posisyon sa administrasyong Duterte ay sina dating Social welfare Secretary Judy Taguiwalo, dating Agrarian reform Secretary Rafael Mariano, at dating National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza.

Kapwa hindi nakalusot sa Commission on Appointments (CA) sina Taguiwalo at Mariano, habang nagbitiw naman sa puwesto si Maza noong Agosto.

Ayon kay Maglunsod, hindi pa niya alam na naturang inanunsyo ni Duterte.

“Hindi ko alam ‘yon. I-check ko pa po,” anang opisyal.

Sa naturang talumpati, binatikos ni Duterte ang KMU dahil sa pangunguna umano sa mga manggagawa para magprotesta na nakakaapekto sa ekonomiya.

“Kung mag-strike sila nang mag-strike, sabihin mo sa kanila strike sila nang strike, they willl paralyze the economy. ‘Pag wala ng pera ang mga trabahante tapos magkagulo, mapipilitan ako. Ayaw ko. Pero kung papasukan na, huhulihin ko lahat ‘yang Mayo Uno,” anang pangulo.-- FRJ, GMA News