Isang lalaking hinihinalang akyat-bahay ang nahuli ng mga awtoridad habang umaali-aligid sa isang barangay sa Pateros.
Nakilala ang suspek na si Michael Mendieta, 23, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes ni Oscar Oida.
Namataan siya ng mga barangay tanod na umaaligid sa barangay.
"Umiikot 'yung mga barangay tanod natin. Nasita siya. Suspicious-looking. Ayon. Kasi 'di siya taga-roon. Dayo. So ayon, tinawagan ang pulis. Nakuhanan siya ng isang sachet ng shabu," ani Police Senior Superintendent Alexander Santos, hepe ng Taguig Police.
Dahil sa CCTV, nakilala ang biktima na umano'y nanloob sa ilang bahay sa Pateros.
Sa isang compound sa Barangay Sta. Ana, nanakaw umano ng suspek noong Setyembre 26 ang mga gamit na nagkakahalagang P300,000, kabilang ang mga alahas, pera, at mga gadget tulad ng laptop.
Hinihinalang ang parehong suspek din ang nakita sa CCTV na umakyat sa gate ng isa pang bahay kasama ang isang kasabwat. Dito ay nakakuha umano ang suspek ng cellphone, alahas, at gadget na nagkakahalaga rin ng mga P300,000.
Maging ang bahay ng bise alkalde ng Pateros ay tinangka ring pasukin diumano ng suspek noong Hunyo.
"Nu'ng nakita niyang may tao, nag-back out na siya," ani Gerald German, bise alkalde ng Pateros.
Bukod sa pagkakahawig raw ng itsura, parehong-pareho rin daw ang tattoo ng suspek sa batok kung ikukumpara sa mga kuha ng CCTV.
Itinanggi naman ng suspek na siya ang nasa CCTV.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang umano'y kasabwat ng suspek. —KG, GMA News
