Nakatikim ng sermon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar ang dalawang pulis na rumaraket bilang escort sa mga pribadong sasakyan matapos silang ireklamo ng isang taxi driver na nasira ang side mirror nang hampasin nila sa Andrews Avenue sa Pasay City.

Ayon sa ulat ni Emil Sumagil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinatawag ni Eleazar ang dalawang pulis na nakilalang sina Police Officer 2 Jay Pastrana Templonuevo, na naka-assign sa NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig at PO2 Ralph Curibang Tumanguil, na naka-assign na beat patroller sa PCP 7 ng Paranaque.

“Unang-una, 'yang moonlighting, 'yung pag-e-escort nang walang authority, eh, alam n'yo bang bawal 'yan?" sabi ni Eleazar sa dalawa.

Sa kuha ng dashcam nitong Sabado ng nagreklamong driver na si Joseph Barreno, madidinig na may biglang kumalabog habang papatabi siya sa Andrews Avenue.

Ang naturang tunog ay paghampas na umano ng pulis sa kaniyang side mirror na nasira.

Kinuwento ng biktima, galing siya ng airport nang nakasabay niya ang convoy ng apat na luxury cars na may escort na mga naka-motorsiklong pulis.

Hinayaan naman daw niyang dumaan ang convoy pero nag-overtake pa ang isang pulis  at hinampas ang side mirror ng kaniyang taxi.

Pero paliwanag ng pulis na si Tumanguil, "Tinap ko lang po 'yung side mirror para ma-flag down kasi papasok na kami sa gate. Hindi ko po napansin na nasira na pala siya."

Sinabi rin ng dalawa na biglaan lang daw ang kanilang raket nang tawagan sila ng isang rider na kakilala nila.

Bukod sa reklamong malicious mischief dahil sa nasirang side mirror ng taxi, mananagot din ang dalawang pulis dahil sa hindi awtorisadong pag-escort sa convoy ng negosyante.

"We will be filing admin cases, against the two for unauthorized escorting. This is less grave misconduct, na puwede siyang ma-suspend ng 1-2 months," sabi ni Eleazar.

Hindi naman napigilan ni Barreno na maging emosyonal dahil tila mababa umano ang tingin ng iba sa mga katulad niyang taxi driver.

Sa imbestigasyon, napag-alamang personal na motorsiklo ang gamit ni PO2 Tumanguil na binihisan lang para mag-mukhang lehitimong motorcycle escort.

"We'll start to conduct crackdown dito sa mga nag-e-escort na motorcycle," pangako naman ni Police Chief Superintendent Roberto Fajardo, hepe ng Highway Patrol Group.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News