Nawalan ng pera ang dalawang negosyante matapos nilang bayaran ang refund na hinihingi ng kanilang mga kliyente na nag-cancel ng mga transaksiyon. Huli na nang malaman nilang hindi tunay na naghulog sa bangko ang mga kliyente at dinoktor lamang ng mga ito ang kanilang deposit slip.

Sa programang I-Witness, sinabing Setyembre 17, 2018 nakatanggap ng email si Victoria Garcia, entrepreneur ng mga bottled tuyo at iba pang seafood sa garapon, mula sa isang customer na nagpakilalang Ron Beriso.

Umorder ng food package si Ron na nagkakahalaga ng P19,500 at nagpadala ng deposit slip bilang pruweba ng kaniyang transaksiyon.

"Alam nila ang dishes ko na pinakamahal. Parang talagang studied na studied ang gusto nila. Alam nila na 50% deposit. Sabi nila, ifu-full payment na lang namin. Alam nila kung paano my instructions for the kitchen. 50% down. Smart enough naman sila na full payment," saad ni Victoria na may ari ng Simple Palate catering business.

Ngunit makalipas ang tatlong araw, nagkansela si Ron ng order at humingi ng refund dahil lilipad ito sa Singapore.

Ibinalik naman ni Victoria ang P19,500 at idineposito sa bank account ni Ron noong mismong araw ding iyon.

Noong Oktubre 1 naman, isang nagngangalang Cecile Leilani Palloran ang nag-order ng pagkain sa para sa kanilang charity event umano na nagkakahalaga ng P27,000.

Nagpakita rin ito ng deposit slip bilang patunay na nagbayad siya sa bank account ni Victoria.

Ngunit hindi agad tiningnan ni Victoria kung pumasok sa bank account niya ang pera dahil nagtiwala siya sa kliyente.

Makalipas ang apat na araw, nagkansela rin si Cecile dahil hindi na raw matutuloy ang charity event.

Ibinalik ni Victoria ang pera sa bank account na nakapangalan sa isang Chairmaine Quirol noong Oktubre 5 dahil dito ipinadeposito ni Cecille ang pera.

Ngunit nang i-check ni Victoria kinabukasan sa bangko ang kaniyang savings account, nalaman niyang P150 lang at hindi P27,150 ang idineposito ni Cecile Palloran samantalang P500 at hindi P19,500 ang idneposito ni Ron Beriso.

Ayon sa NBI, posible na ang ganitong modus dahil sa makabagong teknolohiya.

Si Angela Dyan Gonzales naman na may mga pinapaupahang condominium units sa mga turista, nabiktima rin nang makatanggap ng booking mula sa isang nagpakilalang Charm Abes noong Agosto 13.

Naghulog si Charm ng P8,000 bilang reservation fee. Nagtiwala naman si Angela dahil mabilis magbayad si Charm.

Ngunit dumaan ang ilang araw at nag-cancel ng booking si Charm at nanghingi ng refund. Isinauli naman ni Angela ang pera.

Lumipas ang mahigit isang buwan at nalaman na lamang ni Angela na walang idinepositong pera si Charm Abes sa savings account niya.

Agosto 21, may nagpakilala ulit na isang Yunalesca Beriso na nag-book ng kuwarto kay Angela. Nagpakita ito ng PRC ID bilang patunay ng pagkakakilanlan.

Nagbayad si Yunalesca nang buo sa renta na P44,300 at ipinadala ang deposit slip kay Angela.

Lumipas ulit ang ilang araw at nag-cancel din si Yunalesca ng booking at humingi ng refund.

Ngunit naging mas maingat na si Angela. Nagtungo siya sa bangko para siguruhing may perang pumasok sa kaniyang account.

Panoorin ang kanilang kuwento:

 

—Jamil Santos/LBG, GMA News