Pinag-iingat ang mga kababaihan sa kanilang mga nakikilala sa paligid tulad sa malls matapos na magreklamo ang ilan na nabiktima umano ng pambabastos at sexual harassment ng mga miyembro ng tinatawag na Pick-Up Artist Academy (PUA).
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinipi nito ang lumabas na viral stories sa social media ng mga babae na nagkaroon daw ng hindi magandang karanasan sa nasabing grupo.
Ikinuwento ng isa sa mga naging biktima na may hidden camera raw ang mga miyembro, at istratehiya nilang lumapit at makipagkuwentuhan sa target na babae. Hindi umano mamamalayan ng biktima na naibigay niya na pala ang kaniyang number.
"Isa silang buong team, ayun 'yung tinatawag na parang nagge-game sila inside the malls. Ibig sabihin ginagawa nila 'yung mga natuturo sa seminars. Kapag may nakita silang babae sa mall na naglalakad, it's either maganda or not, still babae 'yan, lalapitan nila 'yan. Kukunin nila 'yung number, but first sasabihin nila, 'You look like my mother, you look like my sister,' lahat sasabihin nila para ma-approach nila 'yung babae," saad ng babae na itinago sa pangalang Bianca.
"And then makukuha nila 'yung number, kikitain nila the next day, aayain nila for date, aayain makipagtalik," sabi pa niya.
Pinag-iingat din ang mga kababaihan dahil maaari rin silang makuhanan ng mga sensitibong larawan, at ito ang gagamitin ng mga miyembro sa kanilang "lay reports."
"May video, may hidden camera inside the room. Ite-threat ang babae kapag nagsalita. They should stop doing this kasi hindi puwedeng, 'yung legal sa ibang bansa, gagawin mong legal dito sa Pilipinas just because gusto mong tumaas 'yung confidence ng mga lalaki," ayon kay Bianca.
Ngunit ipinaliwanag ng PUA Academy na adhikain nilang pag-aralan ang psychology ng mga babae, kung paano sila nag-iisip, at paano rin maging attractive ang mga lalaki sa kanila.
Sinabi nilang "for demonstration purposes" lamang ang mga babaeng kinukunan nila ng mga videos habang nagbibigay ng cellphone numbers, para ipakita na epektibo ang kanilang mga itinuturo sa mga booth camp.
Depensa rin ng grupo na hindi nila tinuturo ang mambiktima ng mga babae.
"We don't consider them victims because we don't teach our students to victimize people. We encourage kasi mayroon silang social anxiety, mga introvert. We encourage them to interact with people, not to victimize," sabi ni Vince Edgar, PUA coach/content creator.
"Hindi ko nga alam kung anong klaseng victim 'yung sinasabi nila, kung 'yung mga biktima ba na 'yon 'yung mga na-freak out dahil in-approach sila, or 'yung mga nagsasabi na may nakilala silang PUA tapos iniwan lang sila. Sa isang relationship naman kasi hindi mo naman masasabing victim ang isa sa party. Kung 'di nag-work 'yun. Mas makakasama pa kung papatagalin 'yung relationship nang hindi naman pala kayo compatible," dagdag ni Edgar.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang malls kung saan nangyayari ang pambibiktima umano ng mga miyembro ng PUA Academy.
Nagpaalala naman ang PNP sa mga kababaihan kung mayroon silang nakilalang mga kaduda-duda.
"Actually may mga previous reports na mga ganiyan, although wala pang nag-file ng complaint. Wala sigurong masama kung makipagkilala ang isang lalaki sa isang dalaga na medyo na-attract. 'Yung masama diyan of course 'yung merong kang gagawing hindi maganda and after that iiwanan mo. Kaya itong mga kababaihan natin, kung sa tingin nila pinagdududahan na nila 'yung taong na iyon, I think kailangan din nilang ipagbigay-alam kaagad sa ating awtoridad 'yan, sa ating mga kapulisan," sabi ni P/Dir. Gen. Oscar Albayalde, PNP chief.
Maaari rin maging paglabag sa Anti-Cyber Crime Law kapag mapapatunayang may pagbabanta sa paggamit ng mga sensitibong larawan o video ng mga kababaihan.-- FRJ, GMA News
