Makaraan na makaranas ng tatlong miscarriage, magiging magulang na sina Alex Gonzaga at ang kaniyang mister na si Lipa City Vice Mayor Mikee Morada.

Ibinahagi ng aktres at vlogger ang magandang balita sa social media noong Huwebes. Nag-post si Alex ng mga throwback clip sa Instagram ng tungkol sa kaniyang mga naging miscarriage, bago niya ipinakita sa huli ang video ng kaniyang lumalaking baby bump.

“After almost six years of marriage and three heartbreaking losses, we never lost faith and continued to surrender everything to the Lord. While preparing for IVF, the Lord Jesus blessed us with a natural pregnancy,” saad ni Alex sa caption.

Dagdag pa niya, natupad na rin sa wakas ang kanilang panalangin na maging “mommy at daddy.”

Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga taong nagdasal para sa kanila at sumuporta sa kanilang paglalakbay patungo sa pagiging mga magulang.

“The Lord Jesus truly answers prayers. Please continue praying with us for a safe and healthy pregnancy until our baby arrives,” ani Alex.

Taong 2020 nang maging engaged sina Alex at Mikee, at nagpakasal sa sumunod na taon.

Noong 2025, isiniwalat ni Mikee sa vlog ni Toni Gonzaga na muling nakaranas ng miscarriage si Alex. Ito na ang ikatlong miscarriage ng mag-asawa matapos ang una noong 2021 at 2023. —Nika Roque/FRJ GMA News