Kalunos-lunos ang sinapit ng isang pamilya sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo, kabilang ang 10-anyos na anak, mula sa pulis na umano'y sinampahan nila ng kaso dahil sa panunutok ng baril.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Romeo Ado, asawa niyang si Christine, at anak na si Romeo Jr., na pawang natutulog nang pagbabarilin.
Isinaad ng mga residente na hindi bababa sa 10 putok ng baril ang kanilang narinig.
"Narinig ko 'yung maraming putok tapos humiga ako pero sunod-sunod kaya lumabas ako uli kasi baka nakatambay 'yung mga anak ko," saad ng isang ginang.
Suspetsa ng mga kamag-anak na ginawa ito ng isang pulis na nagbanta na babalikan ang pamilya.
Inilahad naman ni Babellyn, isa pang kaanak na wala sa bahay nang mangyari ang krimen, na idinemanda ng kapatid niyang si Christine ang pulis dahil sa panunutok ng baril ilang buwan na ang nakalipas.
Nag-ugat ang kanilang pinag-awayan nang igiit ng pulis na ginagamit ang bahay ng pamilya Ado sa pagbatak ng droga.
"May nagsabi po na 'yung bumalik daw po rito 'yun daw po 'yung inireklamong na pulis. 'Yun po 'yung dinemanda ng kapatid ko na tinutukan siya ng baril dito," saad ni Babellyn Ado.
kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaslang.
"Medyo mabigat ito siguro may galit itong suspek na ito dahil pinagbabaril na lang at pati 'yung bata idinamay," pahayag ni Supt. Rodrigo Soriano, Masambong Police Station Commander.
"Kung sino man po siya, may pamilya rin po siya. Sana maramdaman niya kung ano ang ginawa niya sa pamilya ko. 'Yun na lang po ang meron kami," sabi ni Babellyn.
Ayon pa sa inisyal na pagsisiyasat, naglakad lamang paalis sa lugar ang suspek.
Pitong basyo ng bala ng 9mm sa lugar ang nakuha ng SOCO. —Jamil Santos/LBG, GMA News
