Sa Carranglan, Nueva Ecija na natagpuan ang kotse ng isang Department of Trade and Industry (DTI) employee na pinatay at pinagnakawan pa sa Imus, Cavite noong Miyerkules.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, nakuha mula sa ninakaw na sasakyan ang ice pick na hinihinalang ginamit sa pagpatay kay Julius Andrew Dizon.

May lead na raw ang mga pulis kung sino ang salarin pero tumanggi muna silang pangalanan ito.

Nagtutulungan na raw ang kapulisan ng Carrangalan at ng Imus para magsagawa ng follow-up operation.

"Hindi ko na po sasabihin kung saan basta ongoing po 'yung follow-up at saka 'yung joint operation po ng Imus at saka ang ating Carranglan PNP," sabi ni Senior Superintendent Leon Victor Rosete, OIC provincial director ng Nueva Ecija PPO. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News