Sugatan ang apat na fire volunteer matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang fire truck sa Honorio Lopez Street, Balut, Tondo alas dose ng umaga ng Martes.
Paresponde ang mga bumbero na mula sa Maypajo, Caloocan sa isang sunog sa Vitas, Tondo nang mangyari ang aksidente.
Kuwento ng mga kasamahang fire volunteer ng mga biktima, iniwasan ng fire truck ang isang kotse na lumiko galing sa S. Del Rosario Street.
Para hindi umano mabangga ang kotse, napilitan umano ang driver ng fire truck na igiya pakaliwa ang sasakyan kaya nito nabangga ang isang puno.
Wasak ang kanang harapang bahagi ng fire truck.
Pinakamalubha raw sa mga nasugatan ay ang babaeng fire volunteer dahil lumaylay ang kanan nitong paa.
Ang tatlo namang iba pa ay nagtamo ng sugat sa ulo at mukha.
Rumesponde naman sa insidente ang mga ambulansiya at agad na isinugod sa ospital ang mga sugatang fire volunteer.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang driver ng fire truck na si Narciso Cuaresma. —KG, GMA News
