Arestado sa buy-bust operation ang kinikilalang "Marijuana Queen" at 12 iba pang tulak at parokyano ng illegal na marijuana sa buy-bust operation sa Imus, Cavite.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang aktwal na pagdakip sa dalawang estudyante na kinilala bilang si Wendell Soliman at Francis Jacob Gallego sa Barangay Palico. 

Nagtutulak umano ang dalawa ng marijuana na kanilang kinukuha kay Crisceg Campana dela Peña, and tinaguriang "Marijuana Queen" sa lugar.

Sa video galing sa mga operatiba, nakuha sa belt bag ng dalawang suspek ang isang bungkos ng pinatuyong dahon ng marijuana bukod pa sa mga nakasilid na sa pack at iba pang mga ebidensiya.

Ikinanta ng mga nahuling estudyante sa mga pulis ang kanilang source ng droga na si Dela Peña.

Sa follow-up operation, nahuli si Dela Peña, ang kapatid niyang si Cristine, ang umano'y kasabwat niyang si Rodelio Miranda Alcoba at walo pang mga parokyano.

Aabot raw sa P300,000 halaga na marijuana ang nakuha sa bahay ng source.

May ilang mga menor de edad did naw na nasa loob ng bahay nang isagawa ang raid.

Ayon sa Imus police, si Dela Peña ang tinatawag nilang "Marijuana Queen."

"Kung tawagin dito 'yan 'Marijuana Queen' kasi talagang ang pinipinsala niyan kabataang mga estudyante," sabi ni Police Superintendent Junar Alamo, hepe ng Imus police.

Ipinaliwanag din ng opisyal Alamo ang ilan sa mga palatandaang lulong sa marijuana ang isang tao. "'Pag naka-ano ka ng marijuana, karaniwan diyan mata mo, pulang pula, malakas kumain. Iba-iba trip niyan, parang uneasy naman at balisa."

Ayon sa pulisya, mapipigilan ang paglaganap ng marijuana sa kabataan kung magulang mismo ang tututok sa kanilang mga anak. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News