Timbog sa buy-bust operation ang isang lalaki na tulak umano ng droga sa Cotabato City.

Tinatayang nagkakahalaga ng P7 million ang ilegal na droga na nasabat mula sa suspek.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "Balitangali" nitong Biyernes, naaresto sa operasyon si Mhads Luminog Mamintal habang nakatakas ang kasama niya na kinilala lang bilang "Abdul."

Matagal na raw minamanmanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Mamintal bago nila ikinasa ang operasyon nitong Huwebes .

Nasabat mula kay Mamintal ang isang bag na naglalaman ng tinatayang nasa P7 million halaga ng hinihinalang shabu, pero dumepensa ang suspek na ipinaabot lang ang bag sa kanya.

Jaro, Iloilo City

Naulat rin nitong Biyernes ang pag-aresto sa apat oang mga drug suspek sa Jaro, Iloilo City na kamag-anak umano ng  drug lord na si Miriam Odicta na napatay noong 2016.

Kabilang sa mga inaresto si Nilda Regalado, ang asawa niyang si Arnold at ang dalawa pa niyang kapatid.

Sinalakay ng PDEA sa kanilang bahay at dito nasabat ang mahigit P600,000 halaga ng hinihinalang shabu at matataas na kalibre ng baril.

Itinanggi ng mga naaresto na sangkot sila sa ilegal na droga, at iginiit nilang may mga nawawala silang mga gamit pagkatapos ng operasyon.

Iginiit naman ng mga awtoridad na walang iregularidad na nangyari at paninira lang ang mga paratang ng mga suspek.

Legazpi, Albay 

Arestado rin dahil sa droga ang tatlong mag-ama sa Legazpi, Albay.

Nasabat mula sa kanila ang P107,000 halaga ng hinhinalang shabu.

Miyembro raw ang mga mag-ama ng isang drug group pero walang pahayag dito ang mga inarestong suspek. —NB, GMA News