Tinutukan ng baril at ginulpi umano ng mag-amang sina Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin at Iloilo Representative Richard Garin, ang isang pulis.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakasaad sa police report na ipinatawag ng mag-amang Garin si Police Officer 3 Federico Macaya dahil sa isang insidente ng bugbugan na naganap sa plaza kung saan hindi kinasuhan ang suspek.

Kinuha umano ng mag-amang Garin ang baril ng pulis at mga personal na gamit, isinailalim sa body search, pinosasan habang tinututukan ng baril at saka raw binugbog.

Ayon kay Police Region 6 Director John Bulalacao, si Rep. Garin umano ang nanakit kay Macaya habang si Mayor Garin naman umano ang tumutok ng baril sa pulis.

Dahil sa insidente, sinibak ang hepe ng Guimbal-PNP  dahil sa hindi raw nito tinulungan sa kaniyang tauhan na pulis.

Kakasuhan din daw nila ang mag-amang Garin, at tatanggalan ang police escorts.
Patuloy pa raw ang imbestigasyon ng pulisya at hindi pa raw alam ng pulisya kung nasaan ang mag-ama.

REP. GARIN, HUMINGI NG PAUMANHIN

Sa panayam ng GMA News Online, humingi ng paumanhin si Rep. Garin sa PNP kaugnay sa kanilang naging aksyon sa pulis.

Paliwanag ni Garin, labis lang siyang nadismaya kay Macaya nang malaman niya pinaatras nito ang reklamo laban sa suspek na nanakit umano ng bata sa selebrasyon ng "Disyembre sa Guimbal" noong Disyembre 22.

"Gayunpaman, sinsero pa rin akong humihingi ng tawad sa nangyari. I reiterate my apologies for my actions which I take full responsibility for," sabi ni Garin sa magkahalong Ingles at Hiligaynon.

"Pero gusto ko lang maklaro na ang actions ko are not directed to the PNP as an institution, or against its officers and personnel. My actions were a mere display of extreme frustration towards one, single PNP personnel na sa aking palagay ay nag-commit ng great disservice to the people of Guimbal," dagdag niya.— FRJ, GMA News