Nagtamo ng mga galos sa katawan ang isang 64-anyos na rider matapos siyang ihulog sa umaandar niyang motorsiklo na biglang inagaw ng isang lalaki sa Quezon City. Ang suspek, nauna nang nakabangga ng isang kotse sakay ng isa pang motorsiklo na nakaw din.
Ayon sa ulat ni GMA News' Susan Enriquez sa “24 Oras” nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng video ng isa pang rider na humahabol sa tinangay na motorsiklo habang nakasakay pa ang biktima na si Lunito Ramo sa Roosevelt Avenue sa Quezon City.
Makikita na pagewang-gewang ang tinangay na motorsiklo habang humaharurot at halos nakasayad sa kalsada ang paa ni Ramo na nasa unahan ng kawatan.
Hindi nagtagal, tuluyan nang nahulog si Ramo sa kaniyang motorsiklo at tuluyan ding natangay ng kawatan ang kaniyang sasakyan.
Kuwento ni Ramo kung papaano naagaw sa kaniya ng suspek ang kaniyang motorsiklo; "Sumakay agad sa akin pagkasakay saka binirit agad 'yung silinyador ng motor.”
"Naunahan ako [kaya] hindi na ako pumalag,” dagdag pa niya.
Bago mang-agaw ng motor, nakunan pa ang lalaki na duguan at walang sapin sa paa na naglalakad dahil nakabangga pala ito ng isang kotse habang sakay siya ng isa pang motorsiklo na ninakaw din niya.
Pero sa halip na huminto, nagtatakbo ang driver palayo.
Tinangka rin ng biktima na agawin ang motor ng rumespondeng tanod bago niya hablutin ang motor ng matanda.
Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Banjo dela Paz, na natuklasan na may mga dati nang kaso ng pagnanakaw.
Naiwan ni dela Paz ang kaniyang bag at nakita sa loob nito ang ilang gamit na pinaniniwalaang ninakaw niya sa mga biktima at isang baril.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si dela Paz.-- FRJ, GMA News
