Nauwi sa operasyon ng pulisya ang ginawang pagpapahiram ng isang ginang sa bagong silang niyang sanggol sa halagang P12,000 sa isang babae na gustong magkaanak. Nang magbago umano ang isip ng mga magulang ng baby, ayaw na umanong isauli ng babae ang kanilang anak.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng bagong panganak na ginang sa Quezon City na nakilala niya ang suspek na si Richelle Acuno sa Facebook dahil sa isang post nito na tungkol sa sanggol na puwedeng ampunin.
Dahil gipit daw ang ginang, nagpadala siya ng mensahe kay Acuno para magtanong kung may kakilala itong mauutangan ng P20,000.
Nagboluntaryo naman daw ito na magbibigay pera pero hiningi raw na kapalit ang kanilang bagong silang na anak.
Nang makapagbigay na raw ang suspek ng P12,000, nagbago raw ang isip ng mga magulang ng bata at nais na lang nilang isauli ang pera dahil hindi nila kayang mawalay ang anak.
Noong Enero 3, nagpunta raw ang suspek sa bahay ng biktima at nagkasundo sila na ipahiram na lang ang bata.
"Iniyakan niya kami. Hindi raw siya puwedeng umuwi. So parang siyempre may tinulong siya sa 'min, so pinahiram namin si baby. 'Yon yung mali namin, pinahiram namin 'yung anak ko," pag-amin ng ina.
Matapos ipahiram, nagpasya na raw ang mga magulang ng sanggol na bawiin na ang anak kaya pinuntahan nila ang ibinigay nitong address pero wala na ito sa naturang lugar.
Ilang beses daw nila itong tinext at pinadalhan ng mensahe hanggang sa nagtungo na sa Station 6 ng Quezon City police nitong Lunes.
Pero hindi dala ng suspek ang sanggol at sinabing nasa San Juan, Batangas na ang bata kaya nagsagawa ng operasyon ang pulisya kasama ang mga magulang para mabawi ang bata.
"Gusto ko lang po kasing magka-baby. Kasi nagsinungaling ako sa asawa ko na buntis ako. Tapos nakunan kasi ako, 'di ko alam anong nangyari," umiiyak na paliwanag ni Acuno.
Nakahinga naman nang maluwag ang nagsisising mga magulang ng sanggol nang makuha nila sa Batangas na ligtas ang kanilang anak.
"Puwede siyang [suspek] makasuhan ng article 270 yung failure to return a minor kasi parang inentrust ng ano eh ng nanay yung suspek sa bata. Serious illegal detention na rin ang lalabas dun," ayon kay Police Superintendent Joel Villanueva, hepe ng QCPD-Station 6.-- FRJ, GMA News
