Bagsak sa kulungan ang isang 53-anyos na lalaki matapos niya umanong molestiyahin ang tatlong menor de edad at pagkukunan ang mga biktima ng mga litrato sa kanyang bahay sa Sta. Mesa, Maynila.

Depensa ng suspek, kusang sumama ang mga bata at nagpakuha ng mga larawan.

Sa ulat ni Cecile Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali Sabado," kinilala ang suspek na si Arthur Reyes na inaresto matapos magsumbong ang mga biktima.

Sinabi ng mga biktima na dalawang beses nangyari ang pangmomolestiya sa tuwing iniimbitahan sila ng suspek na tumuloy sa bahay nito.

"Sabi nu'ng isang witness, menor de eadad din, na hinipuan itong mga bata sa maseselang bahagi ng katawan, tapos binigyan ng pera, pinagkukuhanan ng pictures," pahayag ni Chief Inspector Melchor Villar, deputy commander ng Manila Police District Station 8.

Hindi pa nagawang makapagsumbong ng mga bata noong una, ngunit nalaman din ng mga magulang nang magsalita na ang isa sa mga biktima matapos ang huling pangmomolestiya.

Nagsumbong ang mga magulang sa barangay at nagreklamo sa pulisya.

Nabawi kay Reyes ang isang camera na may mahigit 200 larawan ng mga bata, isang maliit na pakete ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana, cellphone, at flash drive.

Itinanggi ng suspek ang ibinibintang sa kanya, at iginiit na nagpunta pa ang mga biktima sa kanyang bahay at pinakain pa niya.

"Ngayon, second time kumatok sila, wala ako. Third time kumatok sila naman, andu'n ako, eh 'di pinapasok ko sila, pinakain ko pa nga sila ng pagkain eh, tapos naglaro ng Youtube tapos umuwi na, tapos na, wala na. 'Yung dalawa nga natulog pa du'n sa kama miski pa-kuwento niyo sa kanila," pahayag ng suspek.

Boluntaryo rin umanong nagpakuha ng litrato ang mga biktima.

"Pero 'yung mga picture na 'yun, 'yun 'yung picture na nagpa-picture sila kasi eh. Sila naman nagpose nang ganu'n hindi naman ako eh, hindi naman ako eh. Oo sabi nila picturan ko sila," saad ni Reyes.

Umamin si Reyes na gumagamit siya dati ng marijuana, ngunit hindi raw kanya ang nakuhang hinihinalang marijuana.

Mahaharap si Reyes sa reklamong child abuse. —Jamil Santos/LBG, GMA News