Isang motorcycle rider ang inaresto ng mga awtoridad nitong Linggo ng gabi matapos siyang mahulihan ng baril sa isang checkpoint sa Novaliches, Quezon City.
Nakilala ang suspek na si Edgardo Aguilos na umaming kanya ang baril na nakita ng mga pulis, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
JUST IN: Lalaki, arestado matapos mahulihan ng baril sa COMELEC checkpoint sa Brgy. Gulod Novaliches Quezon City. @gmanews @dzbb @UnangHirit pic.twitter.com/8hU60sKqOb
— James Agustin (@_jamesJA) January 13, 2019
Sinita ng mga pulis ang suspek sa Commission on Elections (Comelec) checkpoint sa Quirino Highway pasado alas-onse ng gabi dahil hindi nito suot ang helmet.
Nadiskubre ng mga pulis na may dala ang suspek na kalibre .45 na baril na kargado ng anim na bala.
"Nu'ng iche-check na natin, nakita ng ating mga police officers na 'yung baril na kalibre .45. Kaya pala hindi niya suot-suot 'yung helmet ay doon nakalagay 'yung baril. So in plain view nakita ng ating kapulisan 'yung kalibre .45 na nakalagay doon," sabi ni Police Superintendent Rossel Cejas, Novaliches Police Station commander.
Aminado ang suspek na apat na taon nang nasa kanya ang baril at wala itong lisensiya.
Dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong physical injury nitong 2018.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa gun ban na nakasaad sa Omnibus Election Code at sa illegal possession of firerms.
Iba pang checkpoint
Samantala, maayos naman ang checkpoint sa IBP Road sa Quezon City.
Pabor ang mga motorista sa isinasagawang checkpoint dito dahil para raw ito sa kanilang kaligtasan.
Sa P. Ocampo Street sa Maynila, maliwanag ang lugar ng checkpoint.
May checkpoint din sa Barangay Acacia sa Malabon.
Wala namang nahuling lumabag sa gun ban.
Nagsimula ang election period nitong Linggo at matatapos ito sa June 12.
Nitong Linggo rin nag-umpisa ang gun ban at ang pagkakaroon ng Comelec checkpoints sa buong bansa. —KG, GMA News
