Isang palaboy na buntis ang mag-isang nanganak sa bangketa habang suot pa ang short pants sa Sta. Mesa, Maynila.  Ang babae, dati na raw nakararanas ng depresyon.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng Enero 12.

Kuwento ng residente sa lugar na si Lilia Layson, napansin niya noon ang babaeng palaboy sa labas ng kaniyang bahay na palipat-lipat ng puwesto sa bangketa.

Hindi nagtagal, bigla umanong humiga ang babae at doon na niya nakita na nanganganak na pala ito kahit suot pa ng short pants.

Gusto man daw nilang tulungan kaagad ang babae, hindi raw nila magawa dahil naninipa ito.

May iba na ring umalalay sa babae na naglagay ng karton para doon mailagay ang sanggol at nilagyan din ng bimpo para hindi ginawin.

Mayroon na ring dumating na mga opisyal ng barangay at mga pulis, at tumawag ng nurse para maputol ang pusod ng baby at saka naisugod sa ospital ang mag-ina.

Kasama na ngayon ng palaboy na nanay ang kanyang pamilya na dati na raw nakaranas ng depresiyon.

Samantalang nasa pangangalaga ng isang ampunan ang sanggol.

Ayon sa ama ng babae, dinala nila nitong Martes sa mental hospital ang kaniyang anak pero binigyan lang sila ng gamot at pinauwi rin.

Balak din daw nilang kunin ang sanggol sa ampunan.-- FRJ, GMA News