Dalawa sa mga lalaking nakunan sa CCTV at itinuturing suspek sa pagpapasabog sa Jolo cathedral nitong Linggo ang sumuko sa mga awtoridad.

Sa ulat ng "News TV Live" nitong Miyerkoles, sinabing sumuko ang dalawa para linisin ang kanilang pangalan matapos na iugnay sila sa nangyaring pambobomba.

May edad 24 at 17 ang dalawa na residente ng Jolo.

Ipinaliwanag nila na nasa lugar sila nang sandaling iyon para bumili ng gamot na malapit sa simbahan.

Una rito, tinukoy ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command na miyembro umano ng Ajang-ajang group na konektado sa Abu Sayyaf Group ang mga lalaking nakita sa CCTV habang nasa labas ng isang establisimyento na malapit sa simbahan.

Sinasabing ang Ajang-ajang na kinabibilangan umano ng mga kabataan ang nagiging susunod na henerasyon ng ASG.

Isa sa mga tinukoy ng militar sa CCTV footage ang isang alias Kamah, na may suot na green jacket sa video, at kapatid umano ni Surakah Ingog, na gumagawa ng bomba ng ASG.

Isa umano sa dalawang sumuko ang nakasuot ng jacket na green at sinabing hindi siya si Kamah.

Nitong Martes ng hapon, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Kamah sa Barangay Latih, Patikul, na nagresulta sa pagkakasawi ng 62-anyos na si Ommal Yusop, na pinaniniwalaang kaanak ni Kamah.

Gayunman, hindi naaresto sa naturang pagsalakay si Kamah. —FRJ, GMA News