Patay sa pananambang ang isang barangay chairwoman sa Quezon City at ang kaniyang driver matapos silang pagbabarilin habang sakay ng SUV. Ang mga salarin, nakatakas sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang barangay chairwoman na si Crisell Beltran ng Barangay Bagong Silangan, na kakandidatong kongresista sa ikalawang distrito sa Quezon City.

Dead on arrival sa ospital si Beltran, pati ang kaniyang driver na si Melchor Salita.

Apat na iba pa ang nasugatan sa naturang pananambang.

Bumuo na ang Quezon City Police District ng special investigation task group para lutasin ang krimen.

Kabilang ang pulitika sa aalamin ng mga imbestigador na motibo sa pananambang.

Sa hiwalay na ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras," sinabing nagawa pa ni Salita na mapatakbo ng ilang metro ang sasakyan sa unang bugso ng mga putok sa JP Rizal Street bago tuluyang bumangga sa bahay.

Nang tumigil ang sasakyan, nilapitan pa umano ng mga salarin ang biktima at muling pinaputukan bago tuluyang tumakas.--FRJ, GMA News