Tila balewala ang nakaambang na panganib para sa tatlong batang nahuli-cam na naglalaro sa gitna ng kalye sa España, Maynila, na nag-wrestling at nagwasiwasan pa habang dumadaan ang mga sasakyan. Ang mga bata ay sangkot din daw sa pang-aagaw ng mga gamit ng mga dumadaan.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa video ang wrestling ng dalawang bata sa España Boulevard na sakop ng Bgy. 512, Zone 51 na animo'y nasa loob ng ring lang.
Hanggang sa isa sa kanilang kasamahan, nakisuntok pa sa halip na umawat.
Pero ang sumaling bata, siya rin ang pinagbalingan kalaunan ng mga nagre-wrestling na bata, at walang pakundangan iwinasiwas.
Dahil nasa gitna sila ng kalye, halos tumama na ang kaniyang katawan sa gilid ng mga dumadaang sasakyan.
Sinabi ng is saksi tumangging magpakilalang nag-upload ng video na sinubukan nilang sitahin ang mga bata kaso kamuntikan pa silang batuhin ng mga ito.
Tinungo ng GMA News ang eksaktong lugar kung saan naglaro ang mga paslit ngunit hindi sila nadatnan. Sa halip, nakita sila sa mismong center island ng España Blvd.
Napag-alamang na pito hangang siyam na taong gulang ang mga nakunan sa video, pero isa lang sa tatlo ang nakita ng GMA News.
Tulog ang 9-anyos na sa video na napagod sa kakalaro sa kalye.
"Hindi nakikinig sa amin eh. Mumurahin pa kami," ayon sa 16-anyos na kaibigan ng tatlong bata.
Ayon pa sa ulat, hindi bababa sa 10 bata ang kasali sa kanilang grupo na ginawang playground ang España Blvd.
Tutok naman daw sa CCTV ang mga opisyal ng barangay para bantayan ang mga bata.
"Dumaan diyan, nanghihingi po ng limang piso. 'Yung estudyante eh wala naman po atang natirang baon, binigyan ng piso. Eh hinabol po 'yung bata, sinabunutan," Ernesto Sta. Isabel, chairman, Bgy. 512 Zone 51.
Kadalasang ginagawa ang pag-rescue sa mga bata pero kahit dalhin na sa DWSD, patuloy pa rin silang nagbabalik sa kalsada. —Jamil Santos/LBG, GMA News
