Sa kulungan ang bagsak ng 18-anyos na lalaki na nang-blackmail umano ng dati niyang kasintahan gamit ang kanilang mga pribadong larawan at video.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil nitong Martes sa "24 Oras," nadakip ang suspek na hindi muna kinilala sa entrapment operation ng PNP-CIDG sa isang kainan sa Dasmariñas, Cavite.

Iinireklamo siya ng kapwa-18 anyos niyang ex-girfriend na pinagbantaan niya umano na ipakalat ang mga video at larawan kung hindi siya makikipagtalik at kung itutuloy niya ang pakikipaghiwalay.

Kuwento ng dalaga: "Kung hindi lang daw ako sa kanya, wala dapat sa akin makinabang. Kaya dapat  daw ikalat ka lang diyan para wala nang magkagustong iba."

Ipinresenta rin ng kampo ng babae ang  text message ng kanyang boyfriend sa pagbabanta na nagsimula pa raw noong isa pang taon.

"Sobra na po siya, pati mga teacher namin, classmates ko, pamilya ko, ginugulo na niya," sabi ng dalaga.

Labis naman ang pag-iyak ng suspek habang itinatangggi ang mga paratang. "Parehas po naming ginusto 'yun. Biktima lang din po ako dito. Hindi ko po pinakalat 'yung vodeo naming dalawa." 

Nahaharap siya ngayon sa patong-patong na reklamo ng grave coercion, paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Photo and Video Veyeurism Act.

Inabot man ng kahihiyan, nagpasya pa rin daw ang pamilya ng dalaga na isapubliko ang nangyari para magsilbing aral sa iba.

Nagpaalala naman si Superintendent Ricky Neron, hepe ng PNP-CIDG Cavite provincial field unit, na ipaalam kaagad sa magulang at awtoridad ang mga ganitong sitwasyon.

"Dapat ang mga kabataan natin ngayon maging aware sa mga ganitong gawain na hindi lan nasta-basta magpapadala ng nude photos, 'yung bang dignidad ng kabataan ay malagay sa alanganin. Dapat lookout din ang mga magulang," sabi ng opisyal.

Paalala rin ng pulis: "Mag-aral po muna. Doon na lang muna magbigay ng oras. Saka na ang pag-ibig." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News