Humingi ng paumanhin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar sa kaniyang inasal nang makaharap ang isang pulis ng Eastern Police District (EPD) na umano'y nangotong sa naarestong drug suspect.

Pero giit ng opisyal, nararapat lang sa naturang pulis ang kaniyang ginawa.

“Humihingi ako ng paumanhin kung medyo hindi ako nakapagtimpi at nailabas ko ang aking emosyon,” sabi ni Eleazar sa video na ipinost ni Super Radyo dzBB reporter Jonathan Andal sa Twitter.

 

 

Pero sabi ni Eleazar, nararapat lang na tanggapin ni Police Corporal Marlo Siblao Quibete ang naturang pagtrato dahil sa kasalanan nito.

“Kinuwelyuhan ko, tiningala ko ang mukha at dinuro-duro ko. E dapat lang, he deserves that,” giit ng NCRPO chief.

Nitong Miyerkues, naaresto sa entrapment operation si Quibete na isinagawa ng mga kabaro niyang pulis mula sa Counter Intelligence Task Force (CITF) dahil sa aligasyon ng pangongotong.

WATCH: NCRPO Chief Eleazar, halos 'di na nakapagtimpi sa pulis na nangotong umano sa inarestong drug suspect

Nilinaw ni Eleazar na hindi niya sinampal, sinuntok o sinabunutan si Quibete.

“Hindi ko po sinampal yan. Hindi ko dinibdiban. Tinataas ko yung mukha niya, hindi ko rin sinabunutan. Halos walang buhok nga e, di ba. Gusto kong makita ang mukha niya,” paliwanag ni Eleazar.

Una rito, inakusahan si Quibete ng live-in partner ng nahuli nilang drug suspect ng pangingikil. Bukod umano sa P60,000 na pera nila na kinuha ng pulis, kinuha rin daw nito ang kaniyang kuwintas at kanilang motorsiklo, at nanghihingi pa ng P20,000.

Dito na dumulog sa pulisya ang kinakasama ng drug suspect at isinagawa ang entrapment operation.

Bukod kay Quibete, nadamay din ang 15 pulis na kasamahan niya sa EPD drug enforcement unit, na pawang inalis sa kanilang puwesto.— FRJ, GMA News