Inaresto ang isang babae dahil umano nagtangkang dukutin ang ilang bata sa Maynila, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Pinagkaguluhan ng mga residente ng Barangay 215 sa Tondo ang suspek na kinilalang si Sally Casiano na sinubukang agawin ang isang bata mula sa kanyang ina, Lunes ng gabi.
Dinakip si Casiano ng isang concerned citizen dahil sa insidente. Dinala siya sa barangay hall at kalaunan ay sa presinto.
Kuwento ng ina, naglalakad sila paliko sa Abad Santos Avenue nang biglang hatakin ni Casiano ang kanyang anak.
Napayakap daw ng mahigpit sa kanya ang anak at nakipaghatakan siya sa suspek.
“Hinawakan niya yung kabilang kamay ng anak ko. Ang sabi anak daw yun ng kapatid niya, Aaliya daw pangalan ng bata. Umiyak na anak ko tas yumakap sa akin,” sabi ng ina.Humingi ng saklolo ang ina sa isang kapitbahay na napadaan kaya binitawan na ng suspek ang bata.
Dahil sa insidente, dumadaan sa trauma ang bata. Sabi ng ina, madalas na raw umiyak at ayaw nang bumitaw ng bata sa kanya.
May dalawang bata pa umanong tinangkang tangayin si Casiano sa lugar, ayon sa pamunuan ng barangay.
Hindi rin daw residente doon ang suspek.
Mapapansin na doble ang suot ni Casiano. Hinala ng pulisya, parte ito ng modus para hindi siya agad matutukoy at madaling makakatakas.
Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang laban sa kanya. Paliwanag niya, namamasyal lang daw siya doon kasama ang kanyang asawa at napagkamalan talaga lang daw niya na pamangkin niya ang bata.
“Napagkamalan ko lang na siya ang pamangkin ko... Apat po yung nawawala. Dalawa po ang anak ko bale anim sila. Patay na po yung kapatid ko. Ibinilin po sa akin yung apat kong pamangkin,” sabi ni Casiano.
Inihahanda na ang reklamo laban kay Casiano. —Joviland Rita/KG, GMA News
