Dalawang lalaki sa South Daang Hari, Taguig City ang napatay matapos habulin ng saksak ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Sugatan naman ang kinakasama ng isa sa mga biktima, ayon sa ulat ni Darlene Cay para sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Kuwento ng kinakasama, matutulog na raw sana sila nang may lalaking tumawag sa labas ng kanilang bahay at hinanap ang kaniyang nanay.

"May tumawag, hinahanap po nila 'yung mama ko. Sabi nung ka-live in ko wala dito. Nangungulit pa po. Lumabas po 'yung ka-live in ko, kinausap. Maya maya po tumatakbo na pabalik sa kuwarto. 'Yun pala may humahabol na ng saksak sa kaniya," sabi ng babae.

Isang lalaki pa raw ang pumasok sa kanilang bahay at siya naman ang sinaksak.

"Nasalag ko lang tapos pinagsisipa ko kaya ako nakalabas," sabi ng babae.

Napatay din daw ang kinakasama ng kaniyang ina na nakatira malapit lamang sa kanila.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa krimen. — Anna Felicia Bajo/RSJ, GMA News