Natagpuang patay sa talahiban ang isang call center agent sa Pasay City, ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Jake Dela Peña, 31-anyos, na nakitang puno ng pasa ang mukha at katawan, binusalan ng towel,  tinalian ang paa, at bali ang leeg.

Natagpuan ang kaniyang bangkay nitong March 15.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Arnel Noriega, ng Pasay Police, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nagpaalam na papasok sa trabaho noong March 14.

Pagkatapos ng duty sa trabaho, katatagpuin daw ng biktima ang isang nakilala sa Facebook.

Itinuturing ngayon ng mga awtoridad na "person of interest" sa kaso ang naturang katatagpuin ng biktima, pero posible raw na may iba pang sangkot kung pagbabatayan kung paano pinaslang si Dela Peña.

Maaari din umano na kilala ni Dela Peña ang salarin at hindi basta robbery ang motibo sa krimen. Wala rin daw nakitang mga personal na gamit ng biktima sa crime scene tulad ng cellphone.

Nananawagan ngayon ng hustisya ang ama ng biktima para sa karumal-dumal na krimen na sinapit ng kanyang anak.

Samantala, nagpaalala naman ang pulisya na huwag basta-basta makikipagkita sa mga taong hindi kakilala. Kung makikipagkita man, ipagbigay alam daw ito sa pamilya at sabihin kung sino ang mga taong katatagpuin.-- FRJ, GMA News