Dalawang lungsod sa Metro Manila ang nagpatupad ng ordinansa para limitahan ang pag-videoke na kadalasan umanong inirereklamo dahil may mga magdamagang bumibirit.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Huwebes,  sinabing sa Valenzuela City, bawal nang mag-videoke pagsapit ng 10:00 p.m. hanggang 6:00 a.m.

Ang hindi magpapaawat sa pagbirit, pagmumultahin ng P1,000 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag, at P5,000 na kapag talagang pasaway.

Puwede lang ang unli-kantahan sa mga "Pabasa" tuwing Semana Santa, at tuwing may okasyon tulad ng Pista, Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa Task Force Disiplina Hotline ng Valenzuela City, pangatlo ang nakakabulahaw na video sa madalas na ireklamo sa kanila.

"Oras ng pamamahinga 'yon,  mga matatanda natin, mga nagtatrabaho, 'yung mga bata, mga estudyante natin. Bigyan natin ng time para makapagpahinga sila, makatulog nang maaga," paliwanag ni Edward Faustino, ng TF Disiplina.

Ang Barangay Gen T. de Leon, na isa sa pinakamalaking barangay sa lungsod, ang walang tigil na pag-videoke rin pinakamarami rin sa nakukuhang mga reklamo.

May kapareho ring ordinansa laban sa magdamang pag-videoke sa Caloocan City, na bukod sa hanggang P5,000 multa, maaari pang makulong ng hanggang sa isang buwan ang lalabag.

Sisitahin muna at kakausapin ng mga taga-barangay ang lalabag bago pagmultahin o kaya ay ikulong.

Suportado naman ng ilang residente sa dalawang lungsod ang mga ordinansa lalo na ang nadadamay sa pagbubulahaw ng mga ayaw paawat sa pagkanta.-- FRJ, GMA News