Nadakip ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas matapos siyang matagpuan sa firing range mismo ng Caloocan Police. Ang suspek, may patong-patong na warrant of arrest dahil sa mga kasong murder, frustrated murder, assault at carnapping.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras," sinabing pinuntahan ng team ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Quezon City umaga nitong Martes ang naturang firing range nang makakuha sila ng tip na naroon ang suspek na si Alejandro Songco Jr.

Pakay ng mga awtoridad na isilbi ang patong-patong na warrant of arrest laban kay Songco.

Makikita sa video na kuha ng isang pulis na kasama sa operasyon ang pagpasok nila sa bay ng shooting range. At nang dakipin si Songco, naging tensiyonado ang eksena.

"Month long surveillance and casing and we applied for search warrant kasi nga may reports na he's also a holder of various firearms. Sa record namin, he have murder cases. Delikado talaga siya na tao," sabi ni Police Lieutenant Colonel Reyson Bagain, chief, CIDG, Quezon City.

Matapos nito, dinala si Songco sa kaniyang bahay kung saan isinilbi rin ng CIDG ang isang search warrant. Nakuha rito ang dalawang pistola at mga bala kabilang ang anim na piraso ng 50-caliber.

Nagawa na rin ni Songco na magpalit ng pangalan, na kilala na ngayon sa pangalang John Llamoso, sa tagal ng kaniyang pagtatago.

Nakita ang bago niyang pangalan sa mga nakuhang ID sa kaniya, gaya ng permit to carry firearm outside residence, driver's license at iba pa.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News