Pinalagan ng isang babaeng pasahero  sa LRT ang kasakay niyang lalaki na umano'y exhibitionist o nagpapakita ng kalaswaan.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, nabastusan ang 20-anyos na babaeng si May ('di niya tunay na pangalan) sa kalaswaang lantarang ginagawa ng kaharap niyang lalaki kahit pa maraming pasahero sa tren.

"Ang ginawa ko po sa kaniya, tinulak ko po siya. Sinipa ko tapos nung pagtayo ko po, sinampal ko siya tapos binatukan ko po siya nang ilang beses," salaysay ni May.

Bumaba na raw sa istasyon ang lalaki at nagbanta pang magrereklamo siya sa pulisya.

Payo ng pamunuan ng LRT-1, sakaling magkaroon ng ganitong pambabastos, agad na mag-report sa mga guwardiya at pulis sa istasyon ng tren.

Pwede rin daw agad na maipagbigay-alam sa social media accounts ng LRT ang reklamo dahil may libreng wi-fi sa mga istasyon.

May panukalang batas na naghihintay ngayon ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para maparusahan ang mga pambabastos na katulad ng naranasan ni May.

Sa ilalim ng panukalang "Safe Street, Public and Online Spaces Act," may katapat na parusahang hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang P50,000 ang mga nakababastos na kilos at pagpapakita ng pribadong bahagi ng katawan. —Dona Magsino/LDF, GMA News