Arestado ang isang lalaking mechanical engineer sa Maynila matapos siyang ireklamo ng dating karelasyon na tinakot umano niyang ipakakalat sa social media ang mga hubad na larawan kapag kapag hindi papayag na makipagtalik sa kaniya.

Sa ulat ni Cecil Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing naaresto ang suspek sa kanto ng Quezon Boulevard at Recto Avenue  sa Maynila matapos magkunwaring pumapayag ang biktima sa kagustuhan ng lalaki. Pero ang hindi alam ng suspek, nakapagsumbong na sa mga pulis ang biktima kaya ikinasa na ang entrapment operation.

Napag-alaman na pinakialman pa umano ng suspek ang Facebook account ng biktima at nag-post ito ng mga mensaheng ikasisira ng babae.

Kuwento ng biktima, nito lang Marso siya nakipaghiwalay sa suspek matapos ang tatlong taon nilang "on-and-off" na relasyon dahil hindi na niya matiis ang pananakit, pagmumura at mga masasakit na salita ng suspek.

Sa mga text message, nakita umano ang mga pagbabanta ng lalaki na guguluhin ang biktima at ipakakalat ang mga hubad nilang larawan kapag hindi pumayag na makipagtalik sa kaniya.

Pati raw ang pamilya ng biktima ay pinagbabantaan ng suspek.

"Malaki na po ang na-damage niya sa buhay ko lalong lalo na yung dignidad ko. Yung Facebook account ko lang na nagpo-post siya ng kung anu-ano doon, eh personal ko yun, may mga kliyente ako doon, nakakahiya. Wala na kong mukha na ihaharap dahil sa ginawa niya. Parang wala siya sa tamang pag-iisip," sabi ng biktima.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso.

Payo ng biktima sa mga babaeng nahaharap sa katulad niyang sitwasyon, "Please lang, 'wag kayong matakot na magsumbong sa pulis. Huwag kayong matakot na iba-blackmail kayo kahit na may mga nude photos kayo, huwag kayong matakot."-- FRJ, GMA News