Napatay ng pulisya sa ikinasang buy-bust operation ang lalaking suspek umano sa pagbaril sa 17-anyos na dalagang bumibili lang sa karinderya noong nakaraang linggo.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, natukoy ng mga pulis ang suspek sa naturang pamamaril bilang si Jed Ayson sa tulong ng CCTV footage.

Sa isang kuha bago mangyari ang krimen, makikitang sabay na naglalakad si Ayson at isa pang lalaking kinilalang si Romel Abalos.

Si Abalos umano ang tumukoy sa pagkakakilanlan ni Ayson at sa kinaroroonan nito.

Gamit ang impormasyong ito, naikasa ng mga operatiba ang isang buy-bust operation laban kay Ayson na tulak din umano ng droga.

Napatay sa kaniyang bahay ang suspek matapos umanong manlaban.

Una nang naaresto ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa krimen na si Alfie Cubelo na nagsilbi umanong lookout ni Ayson.

Tinutugis pa ng pulisya ang driver ng tricycle na nagsilbing getaway vehicle ni Ayson at isa pang suspek na nagturo umano sa biktima bago ito pagbabarilin.

Hinala ng pamilya ng biktimang si Ronalyn Jamon, napagkamalan lang ang dalaga bilang si Wanavie—isang babaeng kumubra umano ng droga pero hindi nakapagbayad. — Dona Magsino/BM, GMA News