Nakuhanan ng video ang paulit-ulit na pagsaksak ng isang lalaki sa kaniyang alagang aso sa Silang, Cavite. Umiiyak na paliwanag ng lalaki, mahina at nahihirapan na ang hayop kaya niya pinatay.

(BABALA, MASELAN ANG VIDEO)

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa video na kuha ng isang netizen na nakaupo ang suspek na si Richard Isala, habang nakahiga ang aso.

Napapayuko pa at umiiyak si Isala habang inuundayan ng saksak ang naghingalong aso. Madidinig din sa video ang boses na nakikiusap na tigilan na ng suspek ang ginagawa sa aso.

Nakarating naman sa kaalaman ng Care for Paws Shelter and Sanctuary sa Silang, Cavite ang insidente.

Sabi ng animal rights group, may nakuha pa sila na mas mahabang bersyon ng video kung saan makikita kung ano pa ang ibang ginawang karahasan ng suspek sa aso.

Nagtulong-tulong ang iba't ibang grupo sa pangangalaga sa mga hayop para matunton ang suspek na handa raw nilang sampahan ng kaukulang kaso dahil sa pagpatay sa alaga.

“Hindi tama yung ginawa niya whether it was his dog or somebody else's dog. Hindi tama yun. It's very cruel,” sabi ni EO Cedeño ng Pag-Amuma Sanctuary.

Sa barangay hall kung saan dinala ang suspek,  iginiit niya na mahal na mahal niya ang aso pero nanghihina na raw ito kaya niya tinapos ang buhay.

Madalas daw niya naiiwan ang asong mag-isa dahil sa kaniyang trabaho bilang security guard. Pero pag-uwi niya raw isang beses  galing sa trabaho, napansin niyang nanghina ang kaniyang alaga.

“Sa umaga nakikita kong malusog ang aso eh. Sa gabi makikita mo nakagulapay… Kasi nga may nanggugulpi,” sabi ni Isala.

Sa kabilang paliwanag ni Isala,  iginiit ng animal rights advocates na hindi pa rin katanggap-tanggap ang ginawa sa aso.

“’Wag kang kumuha ng aalagaan kung di mo naman kaya. Tayo kasi sa Pilipinas ang konsepto lang natin sa aso at pusa mga bantay, pest control. Sa amin kasi 'di ganun konsepto namin, family kasi kami ang mga alaga namin,” sabi ni Maria Justine Ong ng Wagging Tails PH.--Joviland Rita/FRJ, GMA News