Hinabol ng isang babae sa ang lalaking tumangay sa kaniyang bag sa Malate, lungsod ng Maynila.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Balitanghali, makikita ang pagtakbo ng isang lalaki sa may kanto ng Estrada at Leon Guinto kasunod ang humahabol na biktima.

Muntik pang mabundol ang lalaki ng isang paparating na tricycle subalit nakaiwas ito.

Ayon sa may kuha ng video, hindi na nila nakuhanan ang mga sumunod na tagpo. Nagbigay na lamang sila ng babala sa publiko sa social media na mag-ingat sa mga snatcher.

Sa Calamba, Laguna, nagpanggap naman na customer ang isang lalaki sa isang convenience store upang makapagnakaw ng cellphone na nasa ibabaw ng freezer.

Pinatungan niya ng dalang kahon ang cellphone at nagpanggap na namimili ng ice cream.

Nang makasigurong walang nakatingin, ibinalik ng lalaki ang hawak ng ice cream, kinuha ang cellphone at saka umalis.

Napablotter na ang insidente sa barangay.

Samantala, isang lalaki naman ang bumili ng sigarilyo sa Pamplona, Camarines Sur gamit ang P1,000.

Ngunit sa gitna ng transaksyon, bigla na lamang nagsabi ang lalaki na hindi na siya bibili ng sigarilyo.

Ibinalik ng tindera ang P1,000. Subalit, napalitan agad ito ng P100 ng lalaki at nagpanggap siyang mali ang ibinigay na pera ng tindera.

Dahil dito, binigyang muli ng tindera ang lalaki ng P1,000.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente. —