Nasermunan ng hepe ng National Capital Region Police (NCRPO) na si Major General Guillermo Eleazar ang pulis na sinasabing nakapatay sa 6 na taong gulang na musmos sa Caloocan, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Balitanghali ng GMA News nitong Huwebes.
Sinubukan pang magpaliwang ng pulis na si Corporal Rocky Delos Reyes kay Eleazar, pero hindi ito umuubra sa hepe.
Inisa-isa ni Eleazar kay Delos Reyes ang mga paglabag na ginawa niya sa harap ng media sa piitan ng Caloocan Philippine National Police (PNP) headquarters.
“Ito ang pagkakataon mo na sabihin yung nangyari, kasi uunahan kita sa mga ebidensiya na makikita natin: basyo ng baril mo slug na .45 slug, walang ibang nagpaputok,” sabi ni Eleazar kay Delos Reyes.
Sa kuwento ni Delos Reyes, napatay daw ang bata nang maipit ito sa engkuwentro sa pagitan niya at ng drug suspect na kanyang tinutugis.
“Nang hindi mo abutan eh, sa gigil mo pinutukan mo?” sabi ni Eleazar
Agad na sumagot si Delos Reyes, “Hindi po sir, nagpaputok po siya sir.”
“Eh yan na ang sinasabi ko sa iyo, wala ngang ganoon e,” sabi ni Eleazar.
Dagdag pa ni Eleazar, walang nagsasabi sa mga tao sa lugar na mayroong putukang nangyari, taliwas ito sa kuwento ni Delos Reyes.
“Sabihin natin na hindi mo sinasadya, pero at least e lalaki para harapin yung pangyayari. Hindi ikakatwiran mo pa nagkaroon ng putukan” sabi ni Eleazar.
Kinuwestyon din ni Eleazar ang pulis Caloocan kung bakit niya pa binaril sa paa ang lola ni Gian na humabol sa kaniya.
Sumagot si Delos Reyes, “Ginampanan ko lang sir yung sinumpaan kong tungkulin.”
“Sinumpaang tungkulin, nagbabaril nang basta basta na lang?” sabi ni Eleazar.
“Tatakas ka lang binaril mo pa ang paa ng lola. Nakabaril ka na nga e. Anong klaseng pulis ka? Mabulok ka sa kulungan ,” sabi ng hepe.
Si Eleazar pa mismo ang nagbalik kay Delos Reyes sa kulungan at nagsara ng pinto nito.
Haharap si Delos Reyes sa mga reklamong murder, attempted murder, illegal possession of firearms, at violation of election gun ban.
Nitong Huwebes, lumabas sa pagsusuri ng crime laboratory na ang isinukong baril ni Delos Reyes nga ang ginamit sa pagbaril sa bata.
Humarap noong nakaraang taon si Delos Reyes sa kasong administratibo dahil sa indiscriminate firing. —Joviland Rita/LDF, GMA News
