Nagrambulan ang dalawang grupo ng mga kabataan sa Rizal matapos mag-asaran at magkapikunan sa isang beauty contest sa lugar, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali ng GMA News Huwebes.

Sa isang video, maririnig na nakikiusap ang isang dalagita sa nakaaway na grupo habang kinukuyog nila ang kaibigan niya sa isang basketball court sa Barangay Isidro sa Rodriguez.

Hindi na makita ang dalawang dalagitang nagsasabunutan sa video dahil natatakpan sila ng mga kabataang nakikigulo sa away. Nambubuyo pa ang ilang nakapalibot na mga binatilyo.

Tuloy pa rin sa pagsasabunutan ang dalawa kahit na naggigitgitan at nagdadaganan ang mga nakapaligid sa kanila.

Sa gitna ng sabunutan, isang lalaki ang nanuntok ng isang usiserong binatilyo kaya tumindi ang tensyon hanggang sa dumating na ang mga barangay tanod.

Pero sa halip na madampot ang mga nagpipisikalang kabataan, nadamay na ang tanod na siyang pinag-initan na ng mga nagkakagulong kabataan. Naawat sila ng isa pang tanod at humupa na ang tensyon.

Tinangkang arestuhin ang isang binata pero pinigilan ito ng mga kaibigan niya.

Sa huli, walang naaresto sa mga sangkot sa riot. Kaya inimbitahan na lang ang isa sa mga dalagitang nasangkot sa gulo na binully ng mga kabataan at kalauna’y pinauwi.

Ayon sa opisyal ng barangay, nagsimula ang rambol dahil sa tuksuhan at asaran ng mga kabataan para sa mga pambato nilang contestant sa isinagawang beauty contest sa lugar.

“Meron silang mga iniidolo na gustong manalo. Naawat naman kasi nandyan naman lahat ng panggabi nating barangay tanod. Alerto naman,” sabi ng hepe ng mga tanod na si Hermogenes Didulo Sr.

Hindi na nagbigay ng kanilang pahayag ang magkabilang grupo ng kabataan. —Joviland Rita/LDF, GMA News