Sa kabila ng alegasyon na sadyang pinatay ang tatlong drug suspects umano sa Navotas, nanindigan naman ang pulisya sa lungsod na lehitimong buy-bust operation ang kanilang isinagawa at nanlaban daw ang mga suspek kaya napatay.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "QRT" nitong Miyerkules, makikita ang labis na hinagpis ni Christina Jumola nang makita ang duguang bangkay ng anak niyang si J.R., na kasamang napatay sa umano'y buy-bust operation kaninang madaling araw.
Kasamang nasawi ni J.R. sina Arnel Bagamasbad, alyas "Arabo", at isang lalaking kinilalang si alyas "Gurang."
Isang alyas "Vandam" naman ang nakatakas.
Giit ng pulisya, mga tulak ang suspek ng droga.
"Si Arabo, maliban sa pagiging tulak nila, involved din sa mga patayan diyan. Nakatunog siya, 'no, na pulis iyong kaniyang mga katransaksyon kasi nakita nila na may backup yung pulis. Armado kasi 'yung suspek, bukas ng baril ng suspek and then tinutukan 'yong mga operatiba natin," sabi ni Police Colonel Rolando Balasabas, Chief, Navotas Police.
Nabawi mula sa mga napatay na suspek ang anim na pakete umano ng hinihinalang shabu at tatlong kalibre .45 baril.
Taliwas sa pahayag ng pulisya, iginiit ng isang saksi na walang baril ang mga napatay at hindi buy-bust ang nangyari.
"Wala po akong nakita na baril. Expect ko nilagay na lang 'yun, eh. Kasi wala naman talaga akong nakita, eh," saad ng saksi.
Patulog na raw ang tatlo nang dumating ang mga armadong lalaki.
Pinagbabaril pa rin si Bagamasbad kahit sumusuko na, at binugbog din si J.R.
"May mga black eye iyong mukha. May nakapagsabi sa amin may nakakita doon, pinatungan iyong kamay niya ng baril," sabi ni Mike Ocdin, kapatid ng napatay.
"'Yung dalawa namang lalaki na kasama niya, pinababa tapos 'yung isa ginulpi. Basag nga 'yung mukha ng isa, eh," sabi pa ng saksi.
Inamin naman ng mga kamag-anak ni J.R. na gumagamit siya ng droga, pero hindi raw siya nagtutulak ng shabu.
Hindi sila sumasang-ayon sa paglalahad ng mga pulis.
"Planted iyon siguro. May plano pong nangyari diyan kasi iyong dalawa niyang mata, puro pasa... Inutusan po iyon magpa-load, eh, ng kinakasama niya... Siguro saktong pagdaan niya doon, dumaan iyong mga pulis. Siguro nadamay," ayon pa kay Ocdin.
Itinanggi naman ng pulisya na binugbog bila si J.R.
Ayon sa kanila, ang mga napatay na suspek ang itinuturong pinagkukunan ng droga ng mga dati nilang nahuli.
"Marami na rin kaming mga na-receive diyan na mga infotext ng mga concerned citizen na talagang kasama 'yan sa mga nagtutulak ng shabu diyan," sabi ni Police Colonel Rolando Balasabas, Chief, Navotas Police.
Patuloy na inaalam kung magsasampa ng kaso ang mga kaanak ng mga napatay.Patuloy ding iniimbestigahan ang insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
